Wednesday, February 9, 2011

Panunuring Pampelikula

Aytona, Fiona Margarita S. IV-7

Calzado, Anne Valerie L.


“Adore Para Siempre” (Wagas na Pagsinta)

Isang Malalim na Panunuri sa Pelikulang Baler



Panimula

“Mahirap umibig sa gitna ng digmaan.”

‘Yan ang mga katagang dumadampi sa mga labi ng mga sundalo noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Tunay na mahirap umibig sa panahon ng digmaan dahil hindi maiiwasang magkalayo ang dalawang magkasintahan, hindi nila maiiwasang mawalay sa isa’t isa.

Baler, ito ay isang lugar sa Pilipinas kung saan namulaklak ang matinding pagmamahalan ng isang dalagang Pilipina at ng isang mestisong sundalo. Dahil sa salungat na kultura ng kanilang pinagmulan, napakaraming balakid ang umusbong sa kanilang pagsinta-- sa pagitan ng isang mag-ama, isang mag-ina, responsibilidad sa pamilya’t bansa, at pagtitiwala’t kaligtasan. Ngunit sa kabila ng lahat ng mga problemang kanilang kinailangang harapin, sila pa rin ay naging matagumpay sa kanilang mithiin-- ang magmahalan habambuhay.

Tunay na pagmamahalan ang naging dahilan ng iba’t ibang problema na umikot sa kanilang mga buhay, labis na pag-iibigan ang nag-udyok sa kanila upang harapin ang lahat ng mga ito at wagas na pagsinta ang kanilang kinahinatnan hanggang sa katapusan.

Ang Baler, na isinulat ni Roy C. Iglesias sa direksyon ni Mark Meily, ang pelikulang nakatanggap ng samu’t saring mga parangal sa iba’t ibang mga organisasyong pampelikula gaya ng Metro Manila Film Fest (MMFF) at Filipino Academy for Movies, Arts and Sciences (FAMAS). Naging maganda ang reaksyon ng mga manunood, kabilang diyan ang iba’t ibang mga mahuhusay na kritiko sa produksyon ng nasabing pelikula.

Nararapat na suriin ang pelikulang ito upang makita ng mas malinaw ang bawat katangian at elemento na nakapaloob dito at maunawaan kung ano ang dahilan ng mga positibo pati na mga negatibong reaksyon na natanggap nito mula sa takilya. Sa pamamagitan ng panunuring ito, mamumulat ang mga mata ng mga mambabasa sa iba’t ibang kalakasan maging kahinaan ng nabanggit na pelikula na kung hindi papanuorin at papansining mabuti, ay hindi mamamalayan. Ninanais na pagkatapos basahin ang papel na ito’y mas maging maaalam ang mga manunood sa bawat pelikulang kanilang tinatangkilik.


Tema

Ang mga tauhan sa pelikula ang nagbibigay kulay sa istoryang nais iparating ng mga direktor at manunulat sa mga manunood.

Maraming mga tauhan ang makikilala sa pelikulang Baler. Nariyan si Feliza Reyes na ginampanan ni Anne Curtis, ang pangunahing tauhan sa pelikula at ang Pilipinang umibig sa isang mestisong sundalo na si Celso Rusurrecion na ginampanan naman ni Jericho Rosales. Kasama din sa mga tauhan sina Daniel Reyes na ginampanan ni Philip Salvador na isang sundalong Pilipinong kontra sa mga Kastila at tutol sa pag-iibigan sa pagitan ng kaniyang anak at ng isang sundalong Kastila. Si Azon Reyes na ginampanan ni Rio Locsin ang siyang ina naman ni Feliza at butihing kabiyak ni Daniel. Hindi rin mawawala si Gabriel Reyes (Carlo Aquino), lalaking kapatid ni Feliza at masugid na katulong ni Fr. Candido Gomez Carreno (Michael De Mesa) sa simbahan. Si Capt. Enrique Fossi de las Morenas (Barron Geisler) naman ang namumuno sa mga sundalong Kastila sa Baler na sinundan naman ni 2nd Lt. Saturnino Martin Cerezo (Ryan Eigenmann) nang pumanaw si Kapitan de las Morenas.

Sila ang mga tauhan sa palikula na sumasalamin sa ilang mga asal at kaugalian ng mga tao sa ating lipunan. Si Feliza ang ating bansang Pilipinas noong panahon ng pananakop—hindi malaya sa kaniyang pagdedesisyon, pinagbabawalang matamasa ang pag-ibig na inaasam-asam; si Celso ang mga Kastilang nais nang makipag-ayos sa mga Pilipino at sugpuin na ang digmaan. Si Daniel ang mga sundalong Pilipino na nagnanais makamit ang kalayaan mula sa mga mananakop, samantalang sina Si Capt. de las Morenas at 2nd Lt. Cerezo ay ang mga namumuno naman sa Espanya at ang nagpapagalaw sa ating bansa. Si Fr. Candido Gomez Carreno naman ang siyang kumakatawan sa mga kurang Kastila na nagnanais na ring makipagkasundo sa mga Pilipino at ipalaganap na lamang ang relihiyong Katolisismo; si Gabriel ay ang mga nananampalataya sa Diyos Amang makapangyarihan na sumusunod sa mga utos ng simbahang Katoliko.

Sa ganitong konteksto, ang temang namamayani sa pelikulang ito ay ang panahon kung saan ang ating bansang Pilipinas ay nasubsob sa dupok ng kahirapan—walang kalayaan, walang katarungan, walang kaunlaran.


Mga Tauhan

Ang kalakasan ng mga aktor sa pelikula ang nagbibigay buhay sa bawat salita, kilos o galaw na nais ihayag ng manunulat at direktor sa mga manunood.

Hindi maipagkakailang magagaling ang mga aktor sa produksyon- lahat sila’y mahuhusay sa pagpapakita ng kanilang mga emosyon sa bawat eksena. Ngunit hindi lamang iyan ang kalakasan ng kanilang pagganap, natulungan pa rin sila ng iba pang mga elemento upang maging kumpleto ang kanilang pagkakakilanlan sa pelikula—sa pamamagitan ng kanilang pananamit, pananalita at pagkilos.

Ang kanilang pananamit ay tunay na nakatulong sa kanilang pagganap. Ito ay dahil naipakita nito ang panahon na nais nilang iparamdam. Talagang naging tapat ang kanilang mga kasuotan-- mula sa mga saya ng mga dalagang Pilipina hanggang sa mga uniporme ng mga sundalong Kastila. Kung titignan nang mabuti ang kasuotan ng mga sundalo sa loob ng simbahan noong panahon ng giyera, hindi nalalayo ang itsura ng kanilang mga damit sa tunay na dating ng mga mandirigma. Sa elementong ito, sila’y naging matagumpay.

Ang kanilang makakabagbag-damdaming paraan ng pananalita ay nakapagbighani rin sa mga puso’t isipan ng mga manunood. Nakatulong ang estilong ito nang mabuti dahil ito ang pinakaimportanteng katangian na dapat magkaroon ang isang pelikula para ito’y maging isang obra. Isang halimbawa nito ang paggamit ni Jericho Rosales, bilang Celso, ng wikang Espanyol upang mapatunayan ang kaniyang karakter bilang isang sundalo para sa mga Kastila. Nakuha ang kiliti ng mga tao sa kaniyang romantikong paraan ng pagsabi ng mga linya kay Feliza na kanyang minamahal.

Ang kanilang mga kilos ay akmang-akma sa tema ng pelikula. Ang pagiging mahinhin ng mga dalaga, kung saan kabilang si Feliza, ay nagampanan ng tama ni Anne Curtis at ng iba pang mga kasama niyang aktres; ang pagiging matipuno at matapang naman ng mga kalalakihan ay tunay na napalitaw nina Daniel na ginampanan ni Philip Salvador at ang iba pang mga kawal sa mga eksenang pakikipaglaban. Sa umpisang bahagi pa lamang, kung saan sinalakay ng mga Pilipino ang kampo ng mga Kastila, ay naipadama na nila ang tunay bigat na nadarama ng isang sundalo sa panahong iyon.

Habang pinapanuod ang pelikula, mapapansin ang mga pagbabago sa mga katauhan ng mga karakter. Isang magandang halimbawa na riyan ang pagmamatigas ni Gabriel (Carlo Aquino) sa kaniyang ama upang siya ay magkaroon ng pagkakataong makapagsilbi sa simbahang Katoliko. Sa unang bahagi ng istorya, hindi mabago-bago ang isipan ni Gabriel sa kanyang desisyon, hindi talaga siya nakikinig sa mga pangaral ng kanyang ama; ngunit sa huling bahagi, bumalik din siya sa kanyang ama at makikita ito sa paglabas niya sa simbahan at ang pagkapit niya ng mahigpit sa mga bisig ng kaniyang ama.

Kung tutuusin, ang istorya ay nakatutok nang husto sa pagmamahalan nina Feliza at Celso. Sa kanilang pagsasama umikot ang buong istorya—mula sa umpisa, hanggang sa hulihan. Ito ang naging sanhi ng pagkakaroon ng kasukdulang eksena sa pelikula at ito rin ang nagbigay solusyon sa mga problemang kinailangan nilang kaharapin. Dahil sa pagtutok na ito, matutuklasan na ang nais ipabatid sa atin ng pelikula ay ang tunay na pagmamahalan ng dalawang nilalang na may salungat na mundong ginagalawan—magkaibang kultura, magkaibang tradisyon, magkaibang pinaniniwalaan.

Ang pagtamo ng maraming mga parangal ng pelikulang Baler ay ang naging resulta ng pagsama-sama ng mahusay na pagganap ng mga tauhan at ng mga tapat na elementong nabanggit. Ito ay isang patunay na ang Baler ay isang dekalibreng piyesa na binigyang hustisya ng pagganap ng mga aktor.

Isa ng pruweba ang paggawad ng parangal ng prestihiyosong Metro Manila Film Festival ng taon 2008 sa pagiging “Best Actress” ni Anne Curtis at “Best Supporting Actor” naman ni Philip Salvador. Hindi madaling makakuha ng ganitong parangal kaya naman hindi maipagkakailang nagustuhan ng mga hurado, maging ang mga manunood, ang makatotohanang pagganap ng mga nabanggit na aktor sa pelikula.

Maliban sa mga aktor at aktres na naparangalan, kapansin-pansin din ang makatotohanang pagganap nina Baron Geisler bilang Capt. Enrique Fossi de las Morenas at Carlo Aquino bilang Gabriel Reyes. Si Baron ay nakapagpadama ng takot sa bawat eksena dahil sa kaniyang katungkulan bilang isang kapitan na naipakita sa kaniyang kabuuang pagganap; hindi lamang ang mga kawal niya ang nakadama ng kaniyang awtoridad kundi nadama din ito nga mga manunood. Isa ring aktor na kailangang makatanggap ng lubos na pagkilala ay si Carlo Aquino. Ito ay dahil kahit na siya ay may kakaunting eksena lamang sa pelikula, sa bawat bahagi naman ay talagang naibuhos niya ang lahat ng kaniyang emosyon bilang isang tunay na Kristiyanong Katoliko.

Sa lahat ng mga nabanggit, nagkaroon ng pagkakataon ang mga karakter na maisama ang mga manunood at maisabay sila sa kanilang paglalakbay patungo sa napakakulay na istoya ng Baler. Ito na siguro ang mga dahilan kung bakit talagang nahulog ang loob ng mga tao sa kwento ito na nagpapakita ng makulay na pagmamahalan ng dalawang magkasintahan.


Editing ng Pelikula

Ang “editing” ng isang pelikula ang siyang naghahabi sa lahat ng mga eksenang nakunan ng produksyon. Ito ang nagsasama-sama at naglalapat ng mga bahagi ng istorya na siyang nagbibigay-kagandahan sa pagdaloy ng kwento ng isang pelikula.

Nagtamo si Danny Anonuevo ng “Best Festival Editor” mula sa 2008 Metro Manila Film Festival-Philippines at “Best Film Editor” mula 2009 Gawad Genio Awards sa pelikulang Baler. Mataas ang ganitong uri ng parangal mula sa mga magagaling na organisasyon sa ating bansa dahil hindi lahat ay nabibigayan ng ganitong pagkakataon. Ang tanong, tunay bang mahusay ang “editing” ng Baler?

Sa kabila ng mga prestihiyosong parangal na iginawad sa pelikula, hindi pa rin maipagkakailang marami pang mga eksena ang kulang pa sa kaayusan sa elementong nabanggit. Kung bibigyan ng mas malalim na pag-aaral ang “editing” nito, malamang ay mas mapapabuti pa ang kagandahan ng kabuuan ng pelikula.

Nakapaloob sa pelikulang Baler ang napakahabang tatlong daan at tatlumput-pitong araw kung saan naipakita ang mahigpit na labanan sa pagitan ng mga nagsisidhing Pilipino at mga matatag at hindi sumusukong Espanyol. Ang napakahabang panahon na ito ay isa sa mga naging sagabal sa mainam na pagdaloy ng mga eksena. Sa paghahangad na maipakita ang bawat mahalagang detalye sa kasaysayan sa loob ng mga araw na ito, nagmistulang pirapirasong pinilit na pinagtagpitagpi tuloy ang buong pelikula. Lalong hindi nila naipakita ang tamang transisyon ng mga pangyayari sa pelikula o ang pag-usad ng mga eksena patungo sa mga susunod pang iba.

Kapuna-puna ang isang animo’y “slide show” sa umpisang bahagi ng pelikula kung saan ipinakita ang proklamasyon ng kalayaan sa Cavite at ang pagdating ng mga Amerikano sa bansa. Ang paggamit ng itim at puting kulay ng mga imahe rito ay hindi nagging akma at napaghalata ring peke ang mga istrakturang nasa likod ng mga aktor; sa parteng ito ay nahilang pababa ang kalidad ng pelikula. Sa halip na maging importante’t makasaysayan ang bahaging ito, naging katawa-tawa ang transisyon na kanilang ginawa dahil hindi naging angkop ang mga pangyayari sa seryosong pangkabuuan ng tema.

May ilang ding mga detalye na tila yata ay nakalagpas sa mga mata ng tinaguriang mahusay na editor, ngunit hindi siyempre ito papalampasin ng mga tagasuri. Para sa mas makatotohanang pagganap ng isang dalagang Pilipina at upang higit na bumagay ito sa karakter, sana’y ginawang morena ang kulay ni Anne Curtis. Ito ay dahil ang kanyang pagiging mestiza ay mas maihahambing pa lalo sa mga Kastila na sumasalungat sa kaniyang katauhan sa pelikula. Sa loob ng tatlong daan at tatlumput-pitong araw ay hindi man lamang nadumihan ang mga kamay, daliri, pati na mga kuko ng mga sundalong Espanyol na dapat sana’y naghihikahos na sa hirap sa loob. Sa pilikal naman na hitsura’y hindi rin napakitang nangayayat ang mga sundalo sa kabila ng matinding kakulangan sa pagkain sa loob ng simbahan.

Maraming pa’ng ibang naaayon na paraan ang maaari sanang ginamit nila upang ipakita ang naturang mahahalagang eksena nang hindi nagmimistulang minadali at isiningit lamang ang mga ito. Sana’y sa kahit sa simpleng paraan lamang ay nagawan nila ito ng paraan upang hindi naging halata ang kanilang kakulangan sa elementong ito ng pelikula.

Nakahabi rin sa tatlong daan at tatlumput-pitong araw ang pagmamahalang nabuo sa pagitan ng isang dalagang Pilipina na si Feliza at kastilang sundalo na si Celso. Nabigong ipakita sa simula ng pelikula ang dahilan kung bakit umusbong ang kanilang pagmamahalan. Idinaan nila ito sa “flashback” kaya naman hindi kaagad naintindihan ng mga manunood ang rason kung bakit ganoon nalamang sila kalapit sa isa’t isa. Sa mga eksenang natunghayan sa umpisa, mapapansin na idinaan na lamang ng direktor sa napakaraming eksena ng halikan at palihim na tagpuan ang kanilang pagsinta para sa isa’t isa. Nakakabigla tuloy ang mga eksenang ito dahil ang pagkakakilala sa mga dalagang Pilipina noon ay talagang mahinhin at hindi naliligawan ng mga lalaki ng basta basta lamang. Sa kalaunan ng pelikula, ang estilong ito tuloy ay nakapagbigay umay sa ibang mga manunuod.

Ngunit sa kabila ng mga kakulangang nabanggit, masasabing hindi lamang sa mga parangal sa “editing” nagwagi ang Baler, maging sa “cinematography" sila rin ang tinampok bilang pinakamahusay. Nasungkit ng Baler ang “Best Festival Cinematography” mula sa 2008 Metro Manila Film Festival- Philippines at ipinagkaloob naman ng 2009 Gawad Genio Awards kay Lee Meily ang pagiging isang “Best Film Cinematograper”.

Isa sa mga kalakasan ng pelikulang ito ay ang “cinematography". Akmang-akma ang mga kulay at ilaw na ginamit sa “setting” ng pelikula. Sa pamamagitan nito ay naipakita nila ang nais nilang ipahiwatig sa bawat eksena sa mga manunuod. Ang paggamit ng “sepia” sa ilang parte ay nakadagdag sa pagiging makaluma ng panahon na ipinadadama. Ang madilim sa kapaligiran sa loob ng simbahang pinagtataguan ng mga sundalong kastila ay nakdagdag rin sa kalumbayan na bumabalot sa kanila; sa pamamagitan nito, nadama rin ng mga manunuod ang nadarama ng mga sundalo sa mga oras na iyon.

Ito ang mga ilang puna sa “editing” at “cinematography” ng pelikulang Baler na kung saan ang mga mumunting detalyeng nabanggit ay hindi naman masyadong napapansin ng mga manunood. Sa tulong ng panunuring ito, tunay na matutuklasan ng mga interesadong manunood ang mga nakapagpaganda at di nakapagpaganda sa pangkabuuang dating ng pelikula.



Paglalapat ng Musika at Tunog

Ang paglalapat ng musika at tunog ay tunay na mahalaga sa isang pelikula. Ito ay dahil ito ang tumutulong sa pagbigay ng emosyon at drama sa bawat eksena na ipinapakita sa mga manunood. Ang kagandahan ng musikang mapipili sa pelikula ang siyang minsan ring nagiging dahilan ng pagtangkilik ng mga manunood sa isang produksyon.

Pinagtuunan ng pansin ng mga gumawa ng pelikula, ang kalidad at kaangkupan ng mga musika at tunog na talaga namang nagbibigay-aliw sa bawat eksenang mapapanuod. Sa elementong ito ay hindi nagpahuli ang Baler, kaya naman ipinagkaloob ang “Best Film Sound Engineer” kay Ditoy Aguila na siyang naghirap at nagsikap para mapaganda ito.

Mayaman ang bawat eksena sa mga “sound effects” na nakadagdag sa mga emosyong nais iparating sa istorya. Sa mga parteng may nagaganap na labanan, pinalitaw ang mga malalakas na pagsabog ng mga kanyon at walang patid na pagputok ng mga baril. Nagkapagdala ang mga tunog na ito ng kaba at takot sa mga manunuod na talagang nakapagpadama ng matinding hidwaan sa pagitan ng magkalabang hukbo. Sa pamamagitan naman ng paggamit ng mga nakakaantig na mababagal at nakalulungkot na musika ay ipinamalas din sa mga manunod ang kalumbayan sa ilang mga eksena, tulad sa bahagi kung saan unti-unti nang nalalagas ang mga Kastilang sundalo.

Katulad ng ibang mga pelikulang Pilipino, hindi nawawala ang isang mahabang eksena na nagpapakaita ng mga importanteng pangayayari kung saan walang mga diyalogo ang mga artista kundi ang kanilang mga galaw lamang ang mga pinapakita. Sa pelikulang Baler ay tunay na naiangkop at mainam na nailagay ang mga musikang inilapat sa parteng ito.

Ang “theme song” ng pelikula na pinamagatang “Ngayon, Bukas at Kailanman” ay nilikha ng napakahusay na si Louie Ocampo at binigyang buhay naman ng gintong boses ni Sarah Geronimo. Hindi maipagkakailang napakaganda ng pagkakahabi ng bawat titik ng kanta sa kaniyang musika. Tunay na bumagay ang kanta sa tema ng wagas na pagmamahalan nina Celso at Feliza para sa isa’t isa. Napakaganda talaga ng musikang ito at isa sa magpapatunay nito ay ang pagkamit ng Baler ng “Best Film Soundtrack Award”.

Nakakalungkot nga lamang isipin na hindi nagamit nang mabuti ang kanilang “theme song”. Maraming pagkakataon ang pinalampas na kung saan ay maaari sana nilang mailapat ang kantang ito. Sa halip na ito ang gamitin nila ay ibang mga himig pa ang nilagay nila. Nabigyan lamang ng pansin ang kanta nang patugtugin ito habang binabanggit ni Feliza (Anne) ang mga katagang “Ngayon, bukas, kailanman...” habang silang dalawa ni Celso (Jericho) ay nagpapalitan ng mga matatamis na salita sa may baybayin.

Sa kabuuang pagpupuna sa tunog at musika ng pelikula, masasabing tunay namang binigay ng produksyon ang lahat ng kanilang makakaya upang maipaganda ang elementong ito. Hindi naman nasayang ang kanilang mga hirap; ngunit, sa susunod sanang pelikulang kanilang gagawin, ay sana hindi na maulit ang kanilang mga pagkukulang.


Kongklusyon at Rekomendasyon

Isa sa mga pinakainaabangang parangal na ipinagkakaloob ng mga mahuhusay na organisasyong pampelikula kada-taon ay ang “Best Picture Award”. Ginagawad ito sa mga pelikulang higit na nangingibabaw sa galing, kumpara sa iba. Nakasalalay ito sa pulidong pagkakagawa ng mga diyalogo, tamang eksekyusyon ng direktor, mahusay na pag-arte ng mga actor, akmang mga senaryo at malinis na editing.

“It just shows that with a good cast and a good story, we can make a good film”, ito ang mga katagang binitawan ni Mark Meily nang tanggapin niya ang prestihiyosong parangal mula sa 34th Metro Manila Film Festival at 57th FAMAS Awards para sa kanyang pelikulang Baler. Isa itong patunay na ang pelikulang sinusuri sa papel na ito ay may dekalibreng kalidad na tunay na nakapaghumaling sa mga damdamin at nakapagpagulat sa mga mata ng mga beteranong hurado.

Mahusay na nga siguro ang pelikulang Baler; ngunit totoo rin ang kasabihang “walang perpekto sa ating mundo”-- marami rin talaga ang maari pa sanang ipinagpabuti ng produksyon upang higit na mas maging pulido at malinis ang pagdaloy ng mga eksena. Ang editing sa mga simulang bahagi ng pelikula ang unang dapat bigyang pansin; kinakailangang mas bigyan ng importansya ang napakagandang “theme song” ng pelikula; kinakailangan ding mas maging partikular ang mga editor sa bawat maliliit na detalye sa pelikula na maaaring mas magbigay-katotohanan pa sa istorya.


Sa kabila ng mga nabanggit, maituturing pa ring isang obra maestrang hindi dapat palampasin ang pelikulang Baler. Kung ang nais mo ay isang pelikulang magpapatikim ng bagong istorya sa iyong panlasa, ito na siguro ang hinahanap ninyo. Isang pelikula ng pag-iibigan na hindi sumusunod sa nakagawian nang istorya ng mga pelikulang Pilipino; isang pelikulang tumatalakay sa pag-ibig sa ating inang bayan, pag-ibig nang naghihimutok na ama sa kaniyang mga anak, pag-ibig sa sinumpaang tungkulin, at pag-ibig sa tunay na minamahal. Ito ang isang mahusay na pelikulang magdadala sa iyo sa panahon ng digmaan, ang susubok sa wagas na pagsinta.


Mga Pinagbatayan

http://telebisyon.net/balita/PEP-REVIEW-Baler/artikulo/40901/

http://en.wikipedia.org/wiki/Baler

http://www.imdb.com/title/tt1305656/fullcredits#cast




1 comment:

  1. sdamsung galaxy watch 3 titanium watch 3 titanium
    The SEGA M30 (also known as infiniti pro rainbow titanium flat iron the Mega EverDrive or Genesis citizen super titanium armor Mini) burnt titanium is a stylish and compact alternative to babyliss nano titanium flat iron the titanium nitride gun coating original SEGA

    ReplyDelete